Select Page

Ito ay bahagi ng serye ng video tutorials sa paggamit ng Microsoft Word.

Sa araling ito, aalamin natin ang mga sumusunod:

  • pagpalit ng font;
  • pag-set ng text formatting options;
  • pagpalit ng capitalization; at
  • pagtanggal ng text formatting

Gamit ang Word ay pwede nating lagyan ng estilo at disenyo ang ating text content. Makikita ang karamihan ng mga features na ito sa ilalim ng Home tab. Dito maa-access ang mga font formatting, paragraph formating, at styling options.

Exercise Files

Upang mapadali ang inyong pagsabay sa aralin, maaaring i-download ang sample at exercise files:

Font

Simulan natin sa font formatting. Gamit ang mga drop-down, pwede nating palitan ang font at font size na ating gamit.

Kapag nagtakda tayo ng bagong setting, ang lahat ng ating susunod na ita-type mula sa cursor ay lilitaw na sa bagong font o font size na napili natin.

Para palitan naman ang font ng existing text content, pwedeng i-select ang text at habang naka-select ito ay pumili ng bagong setting. May kusang lilitaw na styling options kapag itinapat natin ang ating mouse cursor sa ibabaw ng naka-select na text.

Nakadepende sa computer natin ang listahan ng mga font na pwedeng pagpilian. Kailangan kasi ay naka-install sa system ang font bago natin ito magamit. Ang default na font sa ngayon ay Calibri ngunit maaari ring pagpilian ang mga common system fonts tulad ng Times New Roman, Courier New, Arial, Garamond, Verdana, at Tahoma.

May mga maaaring pagkuhanan naman ng dagdag at libreng font tulad ng Google Fonts.

Text Formatting

Ating subukan ang mga font formatting tools:

Ang bold, italic, at underline ay nakapagbibigay emphasis sa text. Ang mga salita o kataga na dine-define ay madalas ay ginagamitan ng bold. Ang mga salitang banyaga at titulo ng akda ay kadalasang naka-italic. Lalagyan naman ng salungguhit ang text kapag gamit ang underline.

May shortcut keys din ang mga ito:

CommandShortcut Key
BoldCtrl + B
ItalicCtrl + I
UnderlineCtrl + U

Ang strikethrough naman ay maglalagay ng guhit sa gitna ng text. Ginagamit ito kapag nais bawiin ng isang author ang kanyang naisulat pagkatapos niya itong maisulat. Sa halip na burahin at mawala ang orihinal na ideya, pwedeng gamitin ang strikethrough. Gamit itong madalas sa online discourse tulad sa forums o kaya ay sa blog comments. Sa malikhaing pagsulat, ang strikethrough ay maaaring gamitin para sa sarcasm o humor.

Pwede ring palitan ang kulay ng font o lagyan ng highlight para lalong umangat sa document ang salita gamit ang font color at highlight.

Ang superscript at subscript naman ay madalas gamitin sa sulating sa science at math.

Capitalization

Ang case naman ay ginagamit para mapalitan ang capitalization ng text. Pwede itong i-set sa:

  • sentence case kung saan ica-capitalize ang unang titik ng unang salita sa selection;
  • lowercase kung saan ay lahat ay nasa maliliit na titik;
  • uppercase kung saan magiging ALL CAPS;
  • capitalize each word kung saan ica-capitalize ang unang titik ng bawat salita sa selection;
  • at toggle case kung saan magpapalit ng case ang kada titik. Kung naka-lowercase, magiging upper case at vice-versa.

Kung kailangan na mas umaangat na disenyo, maaaring gumamit ng text effect at typography.

Upang buksan ang mas marami pang setting sa text formatting, pwedeng i-click ang maliit na arrow sa bandang ibaba ng font section ng home tab. Bubuksan nito ang Font dialog box. Pwede ring pindutin ang shortcut key na Control at D.

Pagtanggal ng Formatting

Para mawala ang text formatting, i-select lamang ang content at i-click ang Clear All Formatting button sa ribbon.