Ito ay bahagi ng serye ng video tutorials sa paggamit ng Microsoft Word.
Sa araling ito, aalamin natin ang mga sumusunod:
- paano mag-navigate sa document;
- paggamit ng find; at
- paggamit ng replace
Ngayong alam na natin kung paano mag-apply ng formatting at styles, pag-aralan naman natin kung paano i-navigate ang ating document. Gamit ang navigation features ng Word ay madali nating matutunton ang kailangan nating impormasyon lalo na kung mahaba ang document na ating ginagawa.
Exercise Files
Upang mapadali ang inyong pagsabay sa aralin, maaaring i-download ang sample at exercise files:
Pag-navigate sa Document
Mula sa Home tab, i-click lang ang Find button sa may tabi ng Styles group. Maaari ding pindutin ang Control at F.
Lalabas nga Navigation pane sa bandang kaliwa ng ating application window. Gamit ang Navigation pane, maaari nating mapuntahan o mahanap ang iba’t ibang bahagi ng ating document.
May search bar sa itaas ng pane. Maaaring maglagay ng search term. Pwede itong characters, salita o kahit parirala o phrase. Lalabas ang lahat ng instance ng ating search term sa results. Maha-highlight din ang results sa ating document.
Sa Headings, maaaring i-click ang heading na nais puntahan. Pwedeng i-expand ang headings kung may subheadings na gamit para mapuntahan din itong mga ito.
Sa Pages ay makikita ang mga thumbnails ng mga pahina ng document. Kapag clinick ang page, pupunta ang document window at cursor sa pahinang pinili.
Paggamit ng Advanced Find
Bukod sa basic search sa Navigation pane, pwede rin nating gamitin ang Advanced Find tool. I-click ang dropdown ng Find at piliin ang Advanced Find.
Lalabas ang Find and Replace dialog box. Tulad ng search bar sa Navigation pane, maaari natin itong gamitin para mag-search sa document. Ang kagandahan nito ay pwede nating i-click ang More button upang buksan ang mas maraming search options. Gamit ito ay pwede nating sinsinin ang search criteria na ating gamit.
Halimbawa, pwede nating i-set na mag-Match Case para hanapin ang lahat ng instances ng ating search term na naka-format sa katulad na case. Ise-search ni Word at ibabalik ang results ng lahat nang eksaktong tutugma sa ating napiling option o parameter.
Pwede ding hanapin ang text na may specific formating o style mula sa Format dropdown sa ibaba ng tool box. Piliin lamang ang ito mula sa Format dropdown sa ibaba.
Paggamit ng Replace
Kung nais naman nating mabilisang palitan ang ilang specific content, maaari nating gamitin ang replace tool. Ma-access ito sa Find and Replace. Ang shortcut key nito ay Control at H.
Hahanapin ng Replace ang ating search term at papalitan ng ating ilalagay na value sa “Replace with” field.
Halimbawa ay gusto nating palitan ang lahat ng instances ng salitang “kite” ng salitang “drone.” Ilagay lamang ang “kite” sa “Find what” field at drone sa “Replace with” field.
I-click ang Find Next button upan simulan ng Word ang paghahanap. Maaaring piliin ang Replace upang paisa-isang palitan ang nahanap na instance. Pwede ding piliin ang “Replace All” para minsanang palitan ang lahat na makikita ng Word.
Dahil hindi tayo nag-specify ng conditions sa advanced settings, papalitan nito ang lahat ng nakitang instances kahit ano man ang format nito.
Maaari ring i-click ang More button upang buksan ang mas maraming search options. Tulad sa Advanced Find, pwede ring i-set na maghanap o magpalit ng naka-set na formatting o style.