Sa video na ito, aalamin natin ang mga sumusunod:
- Paglagay ng picture
- Pag-ayos sa layout ng picture
- Pag-format ng picture
- Pagdagdag ng graphics at media
Ang susunod na mga tools na ating pag-aaralan ay nasa ilalim ng Insert tab. Magandang katambal ng ating text content ang iba pang visual elements at graphics tulad ng pictures, shapes, icons, at videos. Magdagdag tayo ng media sa ating document.
Exercise Files
Upang mapadali ang inyong pagsabay sa aralin, maaaring i-download ang exercise files:
Paglagay ng Picture
Unahin natin ang paglagay ng pictures sa ating document.
Ilagay ang ating cursor kung saan natin gustong ma-insert ang larawan. Pumunta sa Insert tab at dito i-click ang Pictures. Mamili kung saan manggagaling ang source image. Kung naka-save ang picture sa computer, piliin ang “This Device” at lalabas ang dialog box kung saan kailangang mag-navigate sa folder na naglalaman ng picture upang mapili ito.
Gamit ang Microsoft 365 subscription ay maaari ring mamili mula sa mga stock photos. Pwedeng mamili mula sa mga photographs, icons, cutouts, stickers, at illustrations. Pwedeng mag-search o gamitin ang categories para makahanap ng nais na larawan.
Para naman mamili mula sa internet, piliin ang Online Pictures. Gamit nito ang Bing search engine upang makahanap ng mga images base sa ating search term. Pwedeng gumamit ng filters para mag-set ng search criteria. Kapag naka-check ang Creative Commons ay ili-limit ang ating search sa mga images na may may pahintulot na magamit sa ibang akda.
Pag-ayos sa Layout ng Picture
Kapag nailagay na sa document ang ating napiling picture, ay pwede nating ayusin ang layout nito. Maaaring i-set ito bilang in-line kung saan ay parang parte lamang ng text ang ating picture. Ang picture na naka-in-line ay pwedeng lapatan ng alignment.
Kung nais namang ipagtabi ito sa text, pwedeng i-set ang text wrapping ng image. Ang text wrapping ay magdidikta kung paano ang daloy o flow ng text sa paligid nito. Kapag naka-enable ang text wrapping ay maaaring galawin at i-reposition ang image sa nais paglagyan.
Kadalasan, mainam na gumamit ng square text wrapping dahil predictable at kontrolado ang flow ng text. Pwede ring piliin ang behind o above text kung sakaling gustong “ipatong” ang image o text sa isa’t isa.
Pag-format ng Picture
May features ang Word upang maglagay ng enhancements sa naka-insert na picture. I-double click ang image upang magbukas ang Picture Format tab.
Mula dito ay pwedeng pilian ng iba’t ibang enhancements. May remove background kung saan pwedeng maalis ang kulay sa likod ng subject ng picture. Pwede ring gumamit ng color corrections at effects. May options din sa paglagay ng border.
Maaari ring ayusin ang order ng images. Halimbawa ay may dalawa o higit pang images sa ating document. Pwede silang pagpatungin at baguhin ang order nila.
Gamitin din ang Align tool para siguradong tapat-tapat ng images sa document. Upang mag-select ng multiple images, i-click ang unang image, pindutin at i-hold ang shift key at i-click ang susunod na image.
Pagdagdag ng Graphics at Media
Bukod sa pictures ay maaari ring magsingit ng iba pang graphics at media. Pwedeng mag-insert ng predefined shapes tulad ng geometric shapes, arrows, flowchart symbols at callouts.
Ang shapes sa document ay pwede pang ma-edit gamit ang Shape Format tab kung saan pwedeng magpalit ng shape fill (o kulay sa loob ng shape) at shape outline (o ang guhit sa paligid nito).
Makagagawa rin ng infographics gamit ang SmartArt at Chart.
Pwede ring mag-insert ng video mula sa Internet.
Kung kailangan namang gumawa ng text na may sariling container, makapaglalagay rin ng text box.
Ang equations at symbols naman ay pwedeng i-insert lalo na sa mga sulating pang-science at math.
Gamit ang mga graphics at visual elements na ito, ay mas lalong magiging epektibo ang ating mga dokumento.