Ang video na ito ay bahagi ng serye ng tutorials sa paggamit ng Microsoft Excel.
Sa araling ito, aalamin natin ang sumusunod:
- Paggamit ng cell reference
- Ang relative cell reference
- Ang absolute cell reference
- Ang mixed cell reference
Exercise Files
Upang mapabilis ang inyong pagsunod sa aralin, maaaring i-download ang mga exercise files:
Paggamit ng Cell Reference
Paano naman kung nais natin na ang value ng cells ang isama sa formula at hindi manu-manong constants? Dito natin magagamit ang cell reference.
Pwede nating isipin na parang variable sa formula ang cell reference. Kung ano ang value ng cell, iyon ang isasama sa computation. Kaya kahit palitan natin ang value ng cell, automatic na mag-iiba ang result ng formula na may cell reference dito.
Upang makagawa ng cell reference, gumawa tayo ng formula sa cell. Sa ating unang halimbawa, gagamitin natin ang formula sa pagkuha ng area ng triangle. Ito ay base times height, divided by 2.
Sa halip na gumamit ng constant o kopyahin ang nakalagay sa ating data, ay cell address ang ating ilagay. Pwede ring galawin ang cursor gamit ang mouse o arrow key upang mag-select ng cell o range. Habang tayo ay nag-e-edit ng formula na may cell reference, mapapansing magkakaroon ng iba’t ibang color highlight ang mga cell na ito.
Pindutin ang Enter key upang i-complete ang formula. Makikitang lalabas ang result ng computation. Subukang palitan ang values sa ilalim ng base at height. Automatic na ire-recompute ng formula ang bagong result.
Relative Cell Reference
May tatlong tipo ng cell reference: relative, absolute, at mixed.
Ang ating ginamit na cell reference ay relative. Kapag may adjustments tayo sa table o worksheet ay kusang magu-update ang ating relative cell references. Magandang makita ito sa behavior ng cell reference sa paggamit ng AutoFill.
Sa ating halimbawa sa worksheet, makikitang may iba pa tayong mga triangle na wala pang area. Kaysa ulitin ang entry ng formula, maaari nating gamitin ang AutoFill. Gamitin ito para sa apat pang mga entry para sa mga Area ng Triangle.
Kung susuriin ang mga na-AutoFill na cell, mapapansing automatic na gumawa ng cell reference sa mga kahanay na values ang ating formula.
Absolute Cell Reference
Ang absolute cell refrerence naman ay permanenteng nakatutok sa isang cell address. Para magawa ito ay kailangang lagyan ng dollar sign ang simula ng parehong column letter at row number ng cell address. Ibig sabihin nito, ang paghuhugutan lamang ng value ng formula ay ang napiling cell na iyon.
Gawin ito sa ating halimbawa sa Circumference of a circle. Dahil iisa lamang ang value ng pi, pwede nating itutok ang reference sa cell nito.
Kahit mag-AutoFill tayo ngayon, mapapansing lahat ng cell ay gamit ang ating absolute reference.
Pwede rin namang ilagay bilang constant ang value ng pi sa formula, ngunit posible rin kasing i-expand natin ang value ng pi sa mas maraming decimal places. Sa ganito, ay pwede natin itong mapalitan nang hindi kailangan i-update ang cells na gumamit ng formula.
Mixed Cell Reference
Ang mixed reference ay kombinasyon ng dalawang nauna. Pwedeng absolute ang column o row sa reference at relative ang isa. Ang absolute na column o row lamang ang lalagyan ng dollar sign sa cell address.
Dito sa halimbawa ay may dalawang sum tayo na kukuhanin – ang sum ng mga value sa Column A at Column B at ang sum ng mga value sa Column A at Column C. Ilalagay natin itong mga ito sa Column D at E.
Gamit ang mixed cell reference ay minsanan lang tayong gagawa ng formula.
Sa D2, i-enter ang formula upang i-add ang value ng Column A at B, gamit ang mixed cell reference para sa Column A value dahil ito ang nakapirming elemento sa ating sitwasyon.
Gamitin ang AutoFill pababa upang makuha ang lahat ng values para sa Column D.
Mula sa D2, gamitin ang AutoFill papuntang E2. Mapapansing automatic na nag-adjust ang ating reference at ang ia-add na ng ating formula ay ang Column A at C.
Gamiting muli ang AutoFill pababa upang punuan ang values para sa Column E.
Na-compute natin ang lahat ng values, gamit lamang ang iisang formula.