Select Page

Dito sa unang serye ng video tutorials, tatalakayin natin ang paggamit ng office productivity apps.

Bilang panimula, aalamin natin ang mga sumusunod:

  • Ano ang office productivity
  • Anu-anong mga apps ang ginagamit dito; at
  • Bakit mahalagang masanay sa paggamit ng mga ito

Ano ang Office Productivity

Ang “office productivity” ay ang paggamit ng mga software o apps na dinisenyo para sa mga gawaing pang-eskwela o opisina. Kasama dito ang mga apps para sa paggawa ng mga dokumento tulad ng mga liham at report, mga spreadsheet, at mga slideshow presentations. Kasama din dito ang mga apps na pangkomunikasyon tulad ng email at chat.

Anu-Anong mga Apps ang Ginagamit

Sa office productivity, kadalasan ay may specialized app sa kada gawain o task. Halimbawa, gamit natin ang word processor sa paggawa ng mga liham at report. Gamit naman natin ang spreadsheet software para sa pag-organize at pag-process ng numerical at tabular data. Gamit din natin ang presentation software sa paggawa ng slideshows at visual aids.

Ang koleksyon ng mga apps na ito ay tinatawag na “office productivity suite.” Ang Microsoft Office na siguro ang pinakasikat sa mga ito. Hagip ng mga apps na bumubuo sa Office ang halos lahat ng mga productivity tasks.

May:

  • Word para sa word processing;
  • Excel para sa spreadsheets;
  • PowerPoint para presentations;
  • OneNote para sa note-taking;
  • Outlook para sa email;
  • At Teams para sa chat, messaging, at collaboration.

Nauso na din ngayon ang mga cloud-based features na kung saan ay pwede mong i-save o ilagay ang iyong mga files sa OneDrive cloud storage. Ang kainaman ng cloud storage ay maaari mong ma-access ang iyong mga dokumento mula sa Internet gamit ang iba’t ibang mga device.

Ang Microsoft Office ay paid software. Kailangan mong bumili ng lisensya para magamit ito. Kailangan ding magbayad ng subscription kung nais mong gumamit ng mga cloud features.

Mainam na gumamit lamang ng lehitimong kopya. Dito sa atin, usong-uso pa din ang paggamit ng pirated software. Hindi natin ito hinihikayat o ini-indorso, dahil ang mga pirated software ay maaaring maging cybersecurity risk. Pwedeng ma-hack ang iyong computer or device kung hindi ka maalam o maingat. Violation din ito ng intellectual property. Kahit sa online stores ay talamak ang pagbebenta ng pirated software kaya naman siguraduhing kilatisin kung saan ka bibili ng lisensya. Pwedeng bumili ng direktra sa official Microsoft website o sa mga authorized retailers nila.

May mga libreng alternatibo din naman. Ang Google Workspace ay kasama sa libreng Google account. Ang Workspace ay may sariling word processor, spreadsheet, at slideshow apps na pwedeng ma-access gamit ang browser o mobile app. Iyon lamang, kailangan ay lagi kang online o konektado sa Internet para magamit ang mga features nito.

Para sa offline alternative na hindi nagre-require ng internet connection, mayroon ding LibreOffice. Ito ay isang standalone office productivity suite. Maaaring itong i-download, i-install sa computer, at gamitin ng libre.

Bakit Ito Mahalagang Matutuhan

Praktikal na mahasa sa paggamit ng office productivity apps dahil:

  • Mas napabibilis ang trabaho o gawain;
  • Mas nagiging organisado ang impormasyon na ating pinoproseso;
  • At dahil halos lahat ng gawain sa paaralan at negosyo ngayon ay gumagamit ng mga ito, requirement ang office productivity skills sa pag-aaral o trabaho.

Kaya naman simulan na natin. Sa mga susunod na video ay tatalakayin na natin ang iba’t ibang office productivity apps.